MANILA, Philippines- Nagpahiwatig na si Vice President Sara Duterte ng kanyang planong pagtakbo sa 2028 presidential elections sa campaign rally ni Manila mayoral candidate Isko Moreno, Huwebes ng gabi.
Sa kanyang naging talumpati, inalis ni VP Sara ang seal ng Office of the Vice President (OVP) mula sa lectern, sabay sabing papalitan niya ito ng seal ng Office of the President (OP) dahilan ito ng malakas na palakpakan at sigawan ng crowd.
“Tinanggal ko lang kasi iba kasi ‘yung opisina, iba rin ‘yung pangangampanya. Pero kung sa pangulo lang, pumili na lang kayo—si Isko Moreno o si Sara Duterte, wala kaming problema,” ang sinabi ni VP Sara.
Matatandaang sinabi ni VP Duterte noong Enero na siya ay “seriously considering” na tumakbo sa 2028 presidential elections.
Gayunman, nang tanungin para sa paglilinaw kung sigurado na ang kanyang pagtakbo sa pagka-Pangulo ay sinabi ni VP Sara na: “Siguro kilala na ako ng mga tao ngayon, ‘no. So, dapat siguro mag-distinguish tayo kung ano ‘yung joke at ano ‘yung hindi joke dahil matagal na rin tayo magkasama lahat, matagal na rin ako nakikita ng sambayanan sa national stage. So naiintindihan na nila kung ano ‘yung joke at ano ‘yung hindi joke.”
Sa nasabi pa ring campaign rally, pinasaringan ni VP Sara si Senator Imee Marcos, kapatid ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na palitan na niya ang kanyang apelyido.
Natawa naman si Imee Marcos sa sinabi ni VP Sara. Kris Jose