THE HAGUE, Netherlands – Nanawagan si Vice President Sara Duterte sa mga Pilipino na magkaisa para sa katarungan, kaayusan, kapayapaan, at kaunlaran sa gitna ng umiinit na tensyon sa politika.
Sa panayam sa The Hague, Netherlands, sinabi ni Duterte na dapat iisa ang direksyon ng bansa at ituon ito sa apat na “K” — kaayusan, katarungan, kapayapaan, at kaunlaran.
Ipinahayag din niya ang kalungkutan sa umano’y lumalalim na pagkakahati-hati ng mga Pilipino dahil sa personal na interes ng ilang pulitiko.
“Nalulungkot ako dahil inuuna ‘yung mga personal na interest ng iba’t ibang mga politiko,” ani Duterte.
Dagdag pa niya, napapabayaan umano ang mga mamamayang nangangailangan ng tulong habang abala ang mga lider sa sigalot sa politika.
Kasalukuyang nasa Netherlands si Duterte habang hinaharap ng kanyang amang si Rodrigo Duterte ang proceedings sa International Criminal Court kaugnay ng war on drugs ng kanyang administrasyon. RNT/MND