Home NATIONWIDE VP Sara niresbakan ng Malakanyang sa pagbatikos sa imbestigasyon sa PrimeWater

VP Sara niresbakan ng Malakanyang sa pagbatikos sa imbestigasyon sa PrimeWater

MANILA, Philippines- NIRESBAKAN ng Malakanyang ang naging pahayag ni Vice President Sara Duterte na politika ang nasa likod ng naging kautusan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na imbestigahan ang PrimeWater services.

“We do not expect anything nice or any nice word from the Vice President in favor of the President,” ang sinabi ni Presidential Communications Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang.

Sa ulat, tinuligsa ni VP Sara ang imbestigasyon ng administrasyong Marcos laban sa partikyular na water firm na pag-aari ng pamilya Villar, bilang isang “politikal na maniobra” laban sa mga kalabang hindi umano kayang bayaran o takutin ng gobyerno.

Ito’y kasunod ng utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na imbestigahan ang water utility company matapos dagsain ng reklamo ng mga kostumer hinggil sa kawalan ng tubig o labis na mahinang pressure sa ilang lugar.

Ngunit para kay Duterte, malinaw na ang layunin ng aksyon ay sirain ang mga katunggali sa politika—lalo na’t ang anak ni dating Senador Manny Villar, si Deputy Speaker Camille Villar, ay kandidato sa Senado at mahigpit na katunggali ni Senadora Imee Marcos, kapatid ng Pangulo, para sa huling mga puwesto sa Magic 12.

“Malamang, dahil lahat naman ng galawan ngayon ng administrasyon ay dahil sa politika… Wala na akong nakita na ginawa ng administrasyon na ito para sa kapayapaan at kaunlaran ng ating bayan, kundi lahat ay pag-atake lamang sa politika at sa mga taong hindi nila kayang takutin at hindi nila kayang bilhin,” ang sinabi ni VP Sara.

Samantala, para kay Castro, ginagamit na lamang ni VP Sara na ‘excuse’ ang salitang politika.

Sinabi ni Castro, ang imbestigasyon, pangungunahan ng Local Water Utilities Administration (LWUA), magsisimula ngayong araw ng Biyernes, Mayo 2. Kris Jose