MANILA, Philippines – May huling pagkakataon na lamang si Vice President Sara Duterte at kanyang opisina para humarap sa Kamara at depensahan ang kanilang proposed 2025 budget, ayon kay Marikina Rep. Stella Quimbo nitong Biyernes, Setyembre 13.
Ayon kay Quimbo, senior vice chairperson of the appropriations panel, maaari pa ring sumalang sa plenary debates ang Office of the Vice President (OVP), partikular na si Duterte, at makipag-usap sa pamamagitan ng budget sponsor nitong si Rep. Zia Alonto Adiong.
“Meron pa pong isa pang pagkakataon na dumating ang OVP sa plenaryo… Hindi nga lang sila pwede magsalita sa plenaryo. Yung [budget sponsor] lang ang kanilang tagapagsalita, although syempre binubulong naman ng ahensya sa congressman yung sagot,” ani Quimbo.
Matatandaang inindyan ni Duterte at ng buong OVP ang ikalawang pagdining ng House appropriations panel’s kaugnay sa kanilang proposed P2.1 bilyong budget para sa 2025, dahilan para tapyasan ng mga miyembro nito ang badyet ng higit sa kalahati o P733 milyon.
Tinukoy ni Quimbo ang tatlong dahilan kung bakit nagdesisyon ang appropriations panel na bawasan nang malaki ang 2025 budget ng OVP.
Una ay ang malaking halaga na ginagastos ng OVP sa kanilang annual lease sa mahigit 10 satellite offices sa buong bansa, na inilarawan ng mambabatas bilang “waste of money.”
“First, yun nga po kailangan ba nya all these offices, eh pagkakaalam natin kayang-kaya naman ng OVP na isang office lang sana,” ani Quimbo.
Ikalawa ay ang pagkakapareho ng mga programa ng OVP sa ibang mga ahensya.
“Second, more importantly, nakita natin andami niyang programs na redundant naman po,” sinabi pa ni Quimbo.
Tinukoy din nito ang low budget utilization rate sa findings ng Commission on Audit at ang kanilang mga programa na may “implementation problems.”
“Pangatlo sa COA finding, hindi naman nagagamit [masyado], low budget utilization… At the same time may mga implementation problems, hindi nalilista ang beneficiaries, kulang sa documentation, problema sa delivery,” dagdag pa niya.
Para rito, sinabi ni Quimbo na nagdesisyon na lamang ang panel members na ilipat ang P1.29 bilyon mula sa OVP patungo sa ibang ahensya ng pamahalaan.
“Sabi namin mas maganda siguro ilipat na lang natin yung fund na yan don sa mga programa na subok na tulad ng AICS ng DSWD, malawak na ayuda iyan, at MAIFIP ng DOH, yung nag-iissue ng guarantee letters,” anang mambabatas.
“[It’s] subject to plenary debate beginning Monday. Yung 312 members, pagbobotohan, makikilahok sila sa talakayan, so kung merong magsasabi na gusto pa dagdagan ang cut or hindi agree sa cut, yan ay lalabas lahat sa plenaryo,” dagdag niya. RNT/JGC