Home NATIONWIDE VP Sara: Panitikan gamiting sandata para sa kapayapaan

VP Sara: Panitikan gamiting sandata para sa kapayapaan

MANILA, Philippines- Kinilala ni Vice President at Education Secretary Sara Duterte ang kapangyarihan ng panitikan upang isulong ang pagkakaisa at pagkakaunawaan.

Sa pagdiriwang ng Literature Month, pinuri ni Duterte ang makukulay na kwento ng Pilipinas sa mga tula at aklat.

“Sa temang ‘Ang Panitikan at Kapayapaan’, ipinapahayag natin ang kapangyarihan ng mga salita upang ayusin ang mga pagkakahati, isulong ang pagkakaunawaan, at lumikha ng hinaharap na hinabi ng mga kwento ng pagkakaisa,” ani Duterte batay sa post ng Komisyon ng Wikang Filipino nitong Huwebes.

Aniya pa, maglulunsad ang Department of Education ng iba’t ibang aktibidad para sa National Literature Month tulad ng lectures at storytelling activities upang paigtingin ang interes ng kabataan sa panitikan.

“Magbasa tayo ng tula, maglunsad ng libro, at manguna sa mga talakayang pampanitikan. Saksihan ang kinang ng mga Pilipinong manunulat habang ang mga teatro ay isinasabuhay ang ating mga makabuluhang kwento sa entablado,” dagdag ni Duterte.

“Hayaan natin magbigay inspirasyon sa atin ang mga salita sa pahina, upang bawa’t isa sa atin ay maging ahente ng kapayapaan. Nawa’y pagyamanin natin ang pagkakaisa at pagkakaunawaan sa ating mga komunidad,” aniya pa.

Noong 2015, naglabas ng deklarasyon si dating Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino kung saan ginawa ang Abril na National Literature Month. RNT/SA