Home NATIONWIDE VP Sara sa ICC warrant ni Bato: Mali!

VP Sara sa ICC warrant ni Bato: Mali!

78
0

MANILA, Philippines – Kinondena ni Bise Presidente Sara Duterte nitong Lunes ang tangkang pagpapatupad ng arrest warrant ng International Criminal Court laban kay Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa, at iginiit na dapat muna itong dumaan sa mga hukuman sa Pilipinas.

Sa panayam sa The Hague kung saan bumibisita siya sa kanyang amang si dating Pangulong Rodrigo Duterte, sinabi niyang mali ang naging hakbang.

“Mali ‘yan. Tulad ng ginawa nila kay dating pangulong Rodrigo Duterte, mali din iyon,” ani Duterte.

“Dahil ang isang warrant of arrest, galing sa labas ng Pilipinas, hindi issued by a Philippine court, should be presented in a Philippine court,” dagdag niya.

Ang pahayag ng Bise Presidente ay kasunod ng tangkang pagsisilbi ng ICC warrant laban kay Dela Rosa sa Senado nitong Lunes. Ang warrant ay kaugnay ng umano’y mga pagpatay sa ilalim ng war on drugs ng administrasyong Duterte, kung saan si Dela Rosa ay nagsilbing hepe ng Philippine National Police.

Pansamantalang isinailalim sa lockdown ang Senado matapos ang ulat na tinangkang isilbi ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation ang warrant sa loob ng gusali.

Nagpakita si Dela Rosa sa Senado matapos ang anim na buwang pagkawala at hinarap ang naturang operasyon. Kalaunan, naghain ang kanyang mga abogado ng manifestation sa Supreme Court of the Philippines upang humingi ng agarang proteksyong legal.

Sinabi naman ni bagong Senate President Alan Peter Cayetano na hindi muna aarestuhin si Dela Rosa noong Lunes ng gabi, at dapat dumaan muna sa mga korte sa Pilipinas ang usapin matapos ang pakikipagpulong kay NBI Director Melvin Matibag.

Tumanggi rin si Duterte na magbigay ng komento sa pagbabago ng liderato sa Senado na nagresulta sa pagtanggal kay dating Senate President Vicente Sotto III, at sinabing desisyon ito ng mga senador. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here