MANILA, Philippines – Inihayag ni Vice President Sara Duterte na ang Office of the Vice President (OVP) ay magpapasa ng sagot nito sa Ombudsman “within the required period,” habang nalalapit na rin ang kanyang impeachment trial.
Inatasan kasi ng Ombudsman si Duterte na sumagot sa mga reklamong inihain ng Kamara kaugnay sa umano’y maling paggamit ng confidential funds.
Binigyan ito ng 10 araw para sumagot sa kautusan na inisyu noong Hunyo 19.
Sa panayam kasabay ng support rally sa Melbourne, Australia nitong Linggo, sinabi ni Duterte na inabisuhan na siya ng team ng kanyang mga abogado na inihahanda na ang mga isasagot sa Ombudsman.
“As we speak, the lawyers are already preparing for the answer and the lawyers informed me that we will provide the answer within the period required within 10 days,” aniya.
Bukod dito, nahaharap din si Duterte sa deadline ngayong araw, Hunyo 23, para sagutin naman ang patawag ng Senado na nagsisilbing impeachment court para siya ay litisin.
Ang summon, na isinilbi noong Hunyo 11, ay nagbibigay kay Duterte ng “non-extendible” period na 10 araw para sagutin ang articles of impeachment laban sa kanya.
Ayon kay dating associate justice Antonio Carpio, maaaring mawalan ng karapatan si Duterte na sumagot kung bigo niyang maipapasa ang kanyang reply sa summons sa ibinigay na palugit.
Sa isang panayam, sinabi ni Duterte na naghahanda na siya sa sagot sa impeachment mula pa noong Nobyembre 2023.
“The moment that we heard Representative [France] Castro from the House of Representatives mentioned the word impeachment. So we’ve been preparing for this and we’ve hired lawyers since 2023, so they will answer… We will provide the answer within 10 days,” anang Bise Presidente. RNT/JGC