Home HOME BANNER STORY VP Sara: SONA ni Marcos, aksaya sa oras ng Pinoys 

VP Sara: SONA ni Marcos, aksaya sa oras ng Pinoys 

1
0

MANILA, Philippines — Tinawag ni Vice President Sara Duterte na “a waste of time of the Filipino people” ang ikalimang State of the Nation Address ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at kinuwestiyon ang umano’y hindi nito pagtupad sa mga ipinangakong programa.

Sa panayam sa The Hague, Netherlands matapos dalawin ang kaniyang amang si dating Pangulong Rodrigo Duterte na nakadetine sa International Criminal Court, sinabi ng Bise Presidente na hindi niya pinanood at wala rin siyang planong basahin ang SONA.

“Hindi ako nanood ng SONA like last year. And wala akong planong basahin ang nilalaman ng SONA o kahit man lang summary dahil I truly believe it is a waste of time of the Filipino people,” pahayag ni Duterte.

Inihatid ni Marcos ang kaniyang SONA noong Lunes sa joint session ng Kongreso sa Batasang Pambansa kung saan iminungkahi niya ang pag-amyenda sa Electric Power Industry Reform Act upang alisin ang system loss charges sa singil sa kuryente. Sinabi rin niyang malapit nang magsampa ng kaso ang Ombudsman laban sa kaniyang pinsan na si dating House Speaker at Leyte Representative Ferdinand Martin Romualdez kaugnay ng umano’y maanomalyang flood control projects.

Gayunman, sinabi ni Duterte na hindi dapat umasa ang publiko sa pahayag ni Marcos na masasampahan ng kaso si Romualdez. Ayon sa ulat, hinihingan pa ng GMA News ng pahayag ang Malacañang.

Ang Bise Presidente, na nasa biyahe sa ibang bansa mula Hulyo 16 hanggang 31, ay nagsabing dalawa lamang ang hiniling niya kay Marcos nang pumayag siyang maging ka-tandem nito sa halalan ngunit isa umano rito ang hindi natupad ilang buwan pa lamang matapos silang maupo sa puwesto.

“Dalawa lang ang hiningi ko eh nu’ng pumayag ako na tumakbo ka-tandem niya bilang kanyang vice president. ‘Yung isa du’n, buwan pa lang, hindi na niya sinunod. Wala pang one year. Isa lang ‘yon,” aniya.

Kinuwestiyon din niya ang pagtupad sa mga pangako ng Pangulo, kabilang ang ₱20 kada kilo ng bigas at ang pangakong may makukulong bago mag-Pasko.

“Sige, sabihin na natin personal ‘yan eh. Puwede naman hindi tuparin ‘yan no. Fine. Du’n tayo sa bente (pesos) ang (kilo ng) bigas. Tinupad ba o hindi? May makukulong before Christmas. Tinupad ba o hindi?” pahayag ni Duterte.

Nang tanungin tungkol sa kaniyang mataas na trust ratings sa mga survey, sinabi ni Duterte na nagpapasalamat siya sa patuloy na tiwala ng publiko ngunit hindi niya maipaliliwanag ang resulta ng mga ito.

“On that point I am truly blessed. Favored ako ng Diyos sa ganyan na bagay,” aniya. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here