Home NATIONWIDE OCTA: Inflation, pangunahing pambansang alalahanin – sarbey

OCTA: Inflation, pangunahing pambansang alalahanin – sarbey

5
0

MANILA, Philippines — Nananatiling pangunahing pambansang prayoridad ng mga Pilipino ang pagkontrol sa inflation, habang kalusugan at pag-iwas sa sakit ang nangungunang personal na alalahanin, ayon sa second-quarter 2026 Tugon ng Masa survey ng OCTA Research.

Bumaba mula 45 porsiyento noong Marso hanggang 37 porsiyento nitong Hulyo ang bilang ng mga respondent na nagsabing pinakamahalagang tugunan ang pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin at serbisyo.

Sa kabila ng pagbaba, nanatili ang inflation bilang pangunahing pambansang alalahanin, patunay na mabigat pa rin sa mga pamilyang Pilipino ang mataas na halaga ng pamumuhay.

Pumangalawa ang pagpapataas ng sahod at suweldo ng mga manggagawa matapos itong bahagyang tumaas mula 33 porsiyento hanggang 34 porsiyento.

Tumaas naman mula 26 porsiyento hanggang 32 porsiyento ang pag-aalala sa paglaban sa graft at korupsiyon, kaya umakyat ito sa ikatlong puwesto.

“This makes corruption the third most urgent national concern cited by adult Filipinos, reflecting heightened public attention to issues of transparency, accountability, and integrity in government,” ayon sa OCTA.

Nadagdagan din ang kahalagahan ng pagbibigay ng libre at de-kalidad na edukasyon, mula 17 porsiyento hanggang 22 porsiyento.

Samantala, bumagsak mula 20 porsiyento hanggang 12 porsiyento ang pag-aalala sa pagbabawas ng kahirapan, ang pinakamababang antas na naitala sa serye ng survey.

Sa personal na alalahanin, 65 porsiyento ng mga respondent ang nagsabing pangunahing prayoridad nila ang manatiling malusog at makaiwas sa sakit, bahagyang mas mababa sa 67 porsiyento noong Marso.

Tumaas mula 46 porsiyento hanggang 47 porsiyento ang mga nagsabing mahalagang magkaroon ng sapat na pagkain araw-araw.

Bahagyang bumaba mula 42 porsiyento hanggang 41 porsiyento ang pag-aalala sa pagkakaroon ng tiyak at maayos na trabaho, habang nanatili sa 41 porsiyento ang pagpapahalaga sa kakayahang makapag-ipon.

“Taken together, the results indicate that while the sharpest edge of inflation-related concern has eased, cost-of-living and governance issues continue to shape Filipinos’ national outlook, while health, food security, and financial resilience remain the primary personal concerns of Filipino households,” pahayag ng OCTA.

Isinagawa ang non-commissioned at non-partisan survey sa pamamagitan ng face-to-face interviews mula Hulyo 4 hanggang 11 sa 1,200 Pilipinong edad 18 pataas.

Mayroon itong ±3 porsiyentong margin of error sa buong bansa at ±6 porsiyento para sa Metro Manila, Balance Luzon, Visayas, at Mindanao sa 95 porsiyentong confidence level. Dave Baluyot

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here