Home NATIONWIDE VP Sara suportado ni Bong Go sa OVP budget issue

VP Sara suportado ni Bong Go sa OVP budget issue

MANILA, Philippines- Muling idiniin ni Senator Christopher “Bong” Go ang kanyang pagsuporta sa mga inisyatiba ni Vice President Sara Duterte sa gitna ng pag-ukilkil ng Kongreso sa panukalang 2025 budget ng Office of the Vice President.

Ang OVP ay may panukalang budget na P2.037 bilyon para sa susunod na taon. Naniniwala si Go na ang OVP ay instrumental sa pag-angat ng buhay ng mga Pilipino, partikular na ang mahihirap at kulang sa serbisyo.

Sa naunang deliberasyon ng Senate committee on finance, binigyang-diin ni Go ang malaking epekto ng mga inisyatiba ng OVP, tulad ng mga programang tulong medikal, relief operations, suporta sa edukasyon, mga programang pangkabuhayan, at inisyatiba na “Libreng Sakay” na pinakinabangan ng mahigit 638,000 pasahero sa Metro Manila, at mga lungsod ng Bacolod, Cebu, at Davao.

“As a proud Davaoeño, I have witnessed firsthand the remarkable work of Vice President Inday Sara Duterte. I can attest to the positive impact she has made on every community and the entire nation,” ani Go.

“Sa mga nakaraang taon, nagkaroon ang OVP ng mga programang nagbibigay ng tunay na benepisyo po sa ating mamamayan,” idinagdag ng senador.

Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng pagtiyak sa pagpapatuloy ng mga pangunahing programa, tulad ng pagtugon sa kalamidad at satellite office ng OVP, na magpapalawak ng saklaw ng serbisyo sa buong bansa para mailapit ang pamahalaan sa mga tao.

“Saksi tayo sa maraming programa at inisyatiba na inilunsad ng OVP para makabenepisyo ang mga mahihirap. Imbes na bawasan ang budget para dito, dapat nga ay mas suportahan pa ito,” suhestyon ni Go.

“Sa katunayan, ako mismo ay nagbigay suporta sa kanilang Libreng Sakay program na malaki ang naitutulong sa commuters lalo ngayong patuloy ang pagtaas ng presyo ng krudo at iba lang bilihin. Dahil sa kanyang satellite offices, halimbawa, may nalalapitan ang mga ordinaryong Pilipino kapag kailangan nila ng agarang serbisyo,” idiniin ng mambabatas.

Ayon kay Go, dapat ibigay ng Kongreso sa Opisina ng Bise Presidente ang badyet na kailangan nito para ganap itong gumana.

“Ang ating Bise Presidente ay ibinoto ng higit 32 milyong Pilipino hindi para maging spare tire lamang, kundi para magbigay ng karampatang serbisyo na kinakailangan ng mga Pilipino. Pinapalawak ng OVP ang serbisyo ng gobyerno dahil yan ang kailangan ng mga tao,” sabi ni Go.

“Huwag sanang haluan ng pulitika ang pagseserbisyo. Bigyan sana ng karampatang suporta at paggalang ang opisinang nais lamang gampanan ang kanyang mandato,” pahabol pa niya. RNT