Home NATIONWIDE 2025 elections maaapektuhan ng budget cut – Comelec

2025 elections maaapektuhan ng budget cut – Comelec

MANILA, Philippuines- Tatamaan ang paghahanda para sa 2025 election ng pagtapyas nang malaki sa panukalang budget ng Commission on Elections (Comelec) sa susunod na taon.

Sinabi ni Comelec Chairman George Garcia na ang orihinal na panukalang badget ng Comelec P49 bilyon para sa susunod na taon ay ibinaba sa P35 bilyon.

Ipinaliwanag ni Garcia sa P14 bilyong natanggal, ang P3 bilyon rito ay para sa National and Local Elections at ang para sa Barangay at SK Election sa December 2025 ay P8 bilyon.

Ayon kay Garcia, ito ay pangunahing makaaapekto sa support staff para sa BSKE.

Aniya, nawala ang pondo sa support staff at honorarium.

Gayundin sa national at local elections kung saan sinabi ni Garcia na kanilang ipinaglaban at pinayagan naman ng ehekutibo na magkaroon ng across the board na P2,000 ang lahat ng mga guro na maglilingkod sa National at local Elections pero wala na ang P2,000 na ito sa Barangay and SK Elections.

Idinagdag pa ni Garcia na ang pagsasanay sa mga guro para sa araw ng halalan sa national at local elections ay magdudusa.

Binanggit din ni Garcia na kasama sa budget cut ang P1.4 bilyon na mapupunta sana sa pagsasanay ng mga guro at iba pang kaugnay na gastusin tulad ng venue rental, pagkain, at transportasyon.

Ang natitirang pondo ay para sa mga forms at supplies para sa edukasyon ng mga botante, dagdag niya.

Umapela si Garcia para sa pagpapanumbalik ng badyet na natanggal para sa 2025 BSKE. Jocelyn Tabangcura-Domemden