Home OPINION ‘WAG MAGPAKAMPANTE SA IRAN-ISRAEL WAR

‘WAG MAGPAKAMPANTE SA IRAN-ISRAEL WAR

ITINIGIL na ng Iran ang pagpapakawala ng mga missile at drone laban sa Israel ngunit hindi dapat magpakampante ang Pilipinas, lalo na ukol sa mga overseas Filipino worker at pamilya-OFW.

Ayon sa Iran, sapat na ang pag-atake nila sa Israel bilang ganti sa pagbomba ng huli sa embahada ng una sa Damascus. Syria noong Abril 1, 2024 na ikinamatay ng 16 tao, kasama ang dalawang Iranian general.

MAY MGA NAKALUSOT

Matatandaang mahigit 300 missile at drone ang pinakawalan ng Iran laban sa Israel nang halos sabay-sabay at may mga nakalusot na bumagsak sa mga target nila.

Ayon sa Israel, 99 porsyento ng mga missile at drone ang napabagsak nila, at kasama nila ang mga Amerikano, British at isang Arabong bansa sa pagpapabagsak.

Mahalaga, mga Bro, ang sinasabing mga nakalusot sa Iron Dome o panangga ng Israel at mga gamit ng mga Kano at British na katulong nila.

Hindi mo talaga masasalag lahat ng mga umuulan na missile at drone dahil kasama sa mga umuulan ang mga apoy at bakal mula sa mga ito na bumabagsak at nakamamatay, nakasusugat at nakasusunog at nakasisira ng mga bahay o gusali.

Paano ang mga OFW na pupwedeng matamaan?

Subalit may higit na mahalaga rito.

Paano kung may mga bombang nukleyar na kasali sa mga susunod na paliliparin ng magkabilang panig?

Alam ng lahat na may bombang nukleyar ang Israel na maaari nilang gamitin laban sa Iran.

Sino naman ang nakatitiyak na walang ganyang bomba ang Iran laban naman sa Israel?

Kung may magaganap na gantihan at higit na mabagsik ang laban dahil sa pagggamit ng higit na malalakas na armas at mas malawakang giyera, may higit pang mahalagang usapin at walang iba kundi ang ating mga OFW na madadamay.

MILYONG OFW

Hindi biro-biro ang dami ng mga OFW sa Gitnang Silangan na madadamay.

Kahapon, nabanggit natin ang mga ito at uulitin nating banggitin sila.

Heto: May 30,000 sa Israel, 36,000 sa Lebanon, 40,000 sa Jordan, 5,000 sa Syria, halos 1,000 sa Iran, mahigit 1,600 sa Iraq at nasa 730,000-900,000 sa Saudi Arabia.

Ganyan karami at lalong darami kung isasama natin ang mga OFW na nasa mga iba at kalapit na bansa gaya ng Kuwait, United Arab Emirates at iba pa.

Ang pinakamahalagang tanong: Ano na ang mga aktuwal na ginagawa ng ating pamahalaan upang tulungang iligtas sa panganib ang mga OFW?

Ikalawang mahalaga ang pag-ayuda sa mga pamilya-OFW na nasa Pilipinas.

Kung iisipin, mga Bro, milyones ang mga miyembrong pamilya-OFW.

Paano kung matigil ang mga remittance o padala ng mga OFW sa mga pamilya-OFW?

Naririyan ang mga problema sa edukasyon ng mga bata, pagkain, pagpapagamot sa mga may sakit, pangungupahan, pagbabayad ng hulugang lupa at bahay, pagbabayad ng utang, pagbabayad ng tubig at kuryente at iba pa.

Nasaan na nga ba ang mga paghahanda ng pamahalaan para ayudahan sa pagbabakwit ng mga OFW, pagpapauwi ng mga masasawi at masusugatan at mga magkakakrisis na pamilya-OFW?