MANILA, Philippines – Ipinaabot ni Senator Christopher “Bong” Go ang kanyang mainit na pagbati kay President-elect Donald Trump sa muli nitong pagkapanalo sa 2024 United States presidential election.
Umaasa ang senador na mas lalalim pa ang bilateral relations ng dalawang bansa na kapwa pakikinabangan ng Pilipino at Amerikanong komunidad, lalo ng mga lahing Pilipino sa Estados Unidos.
Bilang isang kapwa demokratikong bansa, sinabi ni Go na ang Pilipinas ay kaisa ng buong mundo sa paggalang sa resulta ng halalan at demokratikong proseso sa US.
Binigyang-diin ni Go na mahalaga ang isang solidong ugnayan sa pagitan ng dalawang bansa sa pagsasabing matutugunan ng pinalakas na alyansa ang iisang interes, partikular sa economic collaboration, healthcare, at kapakanan ng Filipino-American communities.
Ayon sa senador, ang bagong kabanata sa liderato ng Amerika ay nag-aalok ng isang natatanging pagkakataon upang isulong ang kapwa interes, lalo na sa pagpapahusay ng suporta sa Filipino-American communities na gumaganap ng makabuluhang papel sa lipunan ng U.S.
Binanggit ang malalim na pinag-ugatan ng kasaysayan sa pagitan ng Pilipinas at Estados Unidos, sinabi ni Go na hindi mabilang na Filipino-American ang nag-aambag sa ekonomiya, kultura, at lipunan ng Amerika.
“Hindi matatawaran ang halaga ng kontribusyon ng mga kababayan natin sa Amerika. Sa kanilang kasipagan at dedikasyon, nagiging haligi sila ng komunidad at pamilya,” ani Go.
Sinabi ni Go na may mga potensyal na bahagi ng pagtutulungan na maaaring bigyang-prayoridad ng pamunuan ni Trump. Kabilang aniya dito ang mga pagkakataong pang-ekonomiya na maaaring lumawak sa ilalim ng mga patakarang paborable sa mga manggagawa at negosyong Pilipino.
“Umaapela at umaasa akong mas pagtutuunan ni President Trump ang mga programang makatutulong sa ating mga kababayan sa Amerika,” anang senador.
Umaasa rin siya na patuloy na isasaalang-alang ng administrasyon ni Trump ang mga makabuluhang kontribusyon at pangangailangan ng mga Filipino-American.
Binigyang-diin din ni Go ang kahalagahan ng matatag na relasyon sa Estados Unidos, hindi lamang bilang kaalyado, kundi bilang katuwang sa pagpapatuloy ng kapayapaan, seguridad, at pag-unlad sa rehiyon ng Asia-Pacific.
Ani Go, ang mga patakaran ni Trump ay inaasahang magtataguyod ng patuloy na kapayapaan at kooperasyon, lalo sa mga lugar kung saan ang parehong bansa ay may mga estratehikong interes. RNT