MANILA, Philippines – Nilinaw ng Supreme Court of the Philippines nitong Linggo na wala pa itong pinal na desisyon sa pangunahing petisyon ni Ronald dela Rosa kaugnay ng hurisdiksyon ng International Criminal Court (ICC) sa Pilipinas.
Ayon sa SC, ang naibasura pa lamang ay ang hiling ni Dela Rosa para sa temporary restraining order (TRO). Ilalabas pa umano ngayong Lunes, Mayo 25, ang mga opinyon ng mga mahistrado kaugnay ng nasabing mosyon.
“There is still no decision on the main petition, as stated in the Court’s press release last Wednesday,” ayon sa SC.
Naglabas ng paglilinaw ang korte matapos kumalat ang mga pahayag na tila may pinal nang ruling batay umano sa sinabi ni Senior Associate Justice Marvic Leonen.
Pero ayon sa SC, “taken out of context” umano ang mga pahayag ni Leonen dahil ginawa ito sa isang pagpupulong kasama ang Integrated Bar of the Philippines at Mindanao State University sa Marawi tungkol sa Shari’ah at tungkulin ng mga abogado.
Noong Mayo 20, ibinasura ng SC sa botong 9-5-1 ang hiling ni Dela Rosa para sa TRO at status quo ante order laban sa posibleng pag-aresto sa kanya kaugnay ng warrant na inilabas ng ICC dahil sa war on drugs ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Gayunman, wala pa ring desisyon ang SC kung konstitusyonal bang ipatupad sa bansa ang ICC arrest warrant.
Kapag naaresto si Dela Rosa, makakasama niya ang dating Pangulong Rodrigo Duterte na kasalukuyang nasa kustodiya ng ICC at nahaharap sa kasong crimes against humanity kaugnay ng madugong kampanya kontra droga. RNT/MND