Home METRO Higit 2,000 pamilya nawalan ng tirahan sa sunog sa Parola Compound sa...

Higit 2,000 pamilya nawalan ng tirahan sa sunog sa Parola Compound sa Maynila

35
0

MANILA, Philippines — Mahigit 2,000 pamilya ang nawalan ng tahanan matapos sumiklab ang malaking sunog sa Gate 46, Parola Compound, Barangay 275 Zone 25 sa Binondo, Maynila nitong Sabado ng hapon.

Batay sa ulat ng mga awtoridad, umaabot sa 2,134 pamilya o katumbas ng 7,123 indibidwal ang naapektuhan ng insidente na tumupok sa mahigit isang libong kabahayan sa lugar.

Pansamantalang nanunuluyan ngayon ang karamihan sa mga nasunugan sa Delpan Evacuation Center kung saan agad silang inasistehan ng Manila Department of Social Welfare (MDSW) sa pamamagitan ng pamamahagi ng mainit na pagkain at iba pang pangunahing pangangailangan.

Nagpadala rin ng karagdagang ayuda ang Department of Social Welfare and Development (DSWD), kabilang ang mga food boxes at Ready-to-Eat Food Packs para sa mga evacuees.

Personal ding nagtungo sa evacuation site sina DSWD Secretary Rex Gatchalian at MDSW Director Jay R. Dela Fuente upang pangunahan ang distribusyon ng tulong sa mga residenteng naapektuhan ng sunog.

Sa direktiba ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso sa MDSW, inatasan nito ang mga opisyal ng lokal na pamahalaan na tiyaking maibibigay ang lahat ng posibleng tulong at serbisyong kinakailangan ng mga biktima ng sunog habang sila ay pansamantalang nananatili sa evacuation center.

Personal ding binisita nina Manila Mayor Isko Moreno Domagoso at Vice Mayor Chi Atienza ang mga nasunugang pamilya na pansamantalang nanunuluyan sa Delpan Evacuation Center upang inspeksyunin ang kalagayan ng mga evacuees at tiyaking naibibigay ang kanilang mga pangunahing pangangailangan.

Ayon sa MDSW, nagpapatuloy ang pakikipag-ugnayan nila sa DSWD upang matiyak na agad na maibibigay ang kinakailangang suporta at relief assistance sa lahat ng pamilyang nawalan ng tirahan.

Nagsimula ang sunog dakong alas-3:00 ng hapon nitong Sabado at umabot sa Task Force Charlie bago tuluyang naapula alas-12:17 ng madaling araw ng Linggo.

Sa paunang imbestigasyon, tinatayang nasa 1,266 bahay ang naabo sa insidente habang patuloy pang inaalam ng Bureau of Fire Protection ang sanhi ng sunog. JAY Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here