MANILA, Philippines – Tiniyak ng Department of Agriculture (DA) nitong Martes na mananatiling matatag ang presyo ng bigas kahit may 60-araw na import ban na nagsimula noong Setyembre 1.
Ayon kay DA spokesperson Assistant Secretary Arnel de Mesa, sapat ang suplay ng bansa: umabot na sa 2.8 milyong metric tons ang naangkat na bigas mula Enero, at nagtala ng record-high na 9.08 milyong MT ng lokal na palay harvest sa unang kalahati ng 2025.
“Hindi tayo umaasang magkakaroon ng biglang pagtaas ng presyo… Kung meron man, kaunti lang,” ani de Mesa. Target ng DA ang hindi bababa sa 11 milyong MT ng palay sa wet season harvest, na posibleng lumampas pa sa record ng nakaraang taon.
Sa pagtatapos ng Agosto, nasa ₱42 hanggang ₱52 kada kilo ang imported rice, habang ₱42 hanggang ₱60 naman ang lokal na premium rice. Santi Celario