Home OPINION ‘WALANG DAPAT IKABAHALA’

‘WALANG DAPAT IKABAHALA’

ISANG regular na proseso lamang ang ginawa ng Commission on Audit sa pag-iisyu nito ng ‘Notice of Suspension’ sa pamahalaang lungsod ng Malabon hinggil sa ginastos nito na may halagang P10 milyon sa opisyal na pagbisita ng delegasyon nito sa Tokyo, Japan noong Disyembre 17 hanggang 23, 2023.

“Walang bahid ng anomalya o katiwalian dito! Ang biyahe namin ay isang mahalagang hakbang para sa kapakanan ng Malabueño,” pahayag ni Mayor Jeannie Sandoval.

Aniya, ang naganap na learning visit ay naglalayong makakuha ng mga makabagong kaalaman at solusyon mula sa Japan na maaaring ipatupad para sa ikauunlad ng Malabon.

Kasama niya sa nasabing pagbisita ang ilang konsehal at lokal na opisyal ng lungsod upang matutunan ang mga makabagong sistema ng urban planning at disaster management ng Tokyo.

Ang hakbang ng COA ay para lamang sa cash advances na ginawa para sa nasabing biyahe at hindi dahil sa anomang kwestyonableng paggasta, dagdag pa ng mayora.

Binigyang-diin din ng alkalde na bagama’t nabanggit ng COA na walang appropriations para sa foreign travelling expenses para sa kalendaryo ng 2023, ang pondo para sa travel expenses ay malinaw na nakalaan sa supplemental budget, kahit hindi ito nakasulat kung para sa local o foreign travel.

”Ang general allocation ng travel expenses ay sumasaklaw sa parehong local at foreign travel, at kasama ang trip na ito sa Programs, Projects and Activities o PPA na naka-attach sa approved supplemental budget,” dagdag ni Sandoval.

“Tinitiyak ko sa lahat ng Malabueño—wala kaming ginagawang mali o katiwalian. Kumpleto ang lahat ng papeles, at tiwala kami na mabilis na malilinawan ang usaping ito,” diin pa nito.

Kinatigan  ni City Administrator Dr. Alexander Rosete ang mga paliwanag ng alkalde.

”Ang nasabing hakbang ng COA ay temporary lamang. Kapag naisumite na ang mga dokumento, agad itong maaalis. Iba ito sa notice of disallowance na may mas seryosong implikasyon.”

“Sa kasong ito, malinaw na walang mali sa transaksyon, kaya’t wala dapat ipag-alala ang ating mga kababayan,” ani Rosete.

Muling nilinaw ng alkalde ng lungsod na ang naganap na pagbisita sa Tokyo ay may halong pulitika.