Nagpaalala ang Commission on Human Rights na sa pagbibigay ng edukasyon at pagsusulong ng mga inklusibong espasyo ay hindi dapat maisakripisyo ang dignidad ng isang manggagawa.
Reaksyon ito ng komisyon matapos nitong sabihin na nagsasagawa ito ng imbestigasyon sa insidenteng naganap sa Ulli’s Street of Asia sa Cebu City noong July 21, 2024 na kinasasangkutan ng isang waiter ng nasabing restaurant at ng Cebuano personality at miyembro ng LGBTQI plus community.
Sa paunang impormasyong nakalap ng CHR, nagkamali umano ang waiter sa pagtukoy kay Bacalso at natawag itong “sir”, at napagalitan ito sa publiko.
Binigyang-diin ng komisyon na habang sinusuportahan nila ang mga adhikain sa pagsusulong ng ligtas at may paggalang na mga espasyo para sa mga indibidwal, hindi dapat gamitin ito upang mabalewala ang karapatan ng sinoman, lalo na ang mga mas mahina ang kalagayan sa lipunan.
Ani nito, sa paggiit ng mga karapatan, ito ay hindi dapat nagiging dahilan upang isailalim ang mas mahina o mas hindi pribilehiyo sa hindi makatarungang pagtrato. Ang mga manggagawa ay dapat na tinatrato nang may dignidad dahil anomang uri ng mapanghamak na asal, kabilang ang verbal harassment, ay maaaring magkaroon ng seryosong epekto sa kanilang mental na kalusugan.
Paalala pa ng CHR, ang anomang uri ng pangha-harass sa mga lugar ng trabaho ay hindi lamang moral na hindi katanggap-tanggap kundi isa ring paglabag sa mga karapatan ng mga manggagawa.
Kasabay nito, nagbigay-babala ito sa publiko na ang anomang transphobic remarks ay labag sa batas alinsunod sa Republic Act No. 11313 o ang Safe Spaces Act.
Sabi pa ng CHR, ang pagkilala nila sa kaso ng waiter at ni Bacalso ay bahagi ng kanilang mandato na isulong at protektahan ang karapatan ng mga tao. Ang pagpapanatili ng ligtas at may respeto na kapaligiran sa trabaho ay isang kolektibong responsibilidad, at mahalagang magsalita upang maprotektahan ang parehong indibidwal na mga karapatan at karapatan ng iba.
Sa pinakahuling kaganapan, naghain na ng pormal na reklamo ang waiter laban kay Bacalso, na nagsasabing nagdulot ito ng sikolohikal na stress sa kanya.