MANILA, Philippines – Sinabi ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian na bukas para sa lahat ng Pilipino na nakakaranas ng kagutuman ang programa ng ahensya na Walang Gutom Kitchen na nasa Pasay City.
“Everybody is welcome kasi wala namang may gusto ng kagutuman at kailangan lahat ay natutulungan,” sabi ni Secretary Gatchalian sa panayam ng media.
Ayon kay Gatchalian, hindi na kailangan pang dumaan sa verification process ang isang taong nagugutom.
Malaya itong makakapasok sa soup kitchen facility matapos na magbigay ng basic information para sa monitoring, upang mabigyan ng libreng pagkain.
Ayon pa sa DSWD, mahigit sa 10,000 indibidwal na ang naitalang nakinabang sa libreng pagkain simula ng magumpisa ang Walang Gutom Kitchen nitong Disyembre 16.
Sa tanong naman hinggil sa plano ng ahensya para sa taong 2025, sinabi ng DSWD chief na mas palawigin pa ang pagkakaroon ng soup kitchens sa bansa.
“Alam natin na pag pumupunta ka sa iba’t ibang lugar, marami pa rin ang nakikitang wastage ng pagkain. We want to make sure na walang nasasayang na pagkain at nabibigay natin sa nangangailangan,” sabi ni Secretary Gatchalian.
Ang Walang Gutom Kitchen ang pinakabagong innovation ng DSWD upang tugunan ang involuntary hunger at maiwasan ang pagkasayang ng mga pagkain. Ang soup kitchen ay matatagpuan sa Nasdake Building, sa Pasay City. Santi Celario