KUNG bibigyang-diin talaga ang pananagutan ng Kongreso sa ilalim ng Konstitusyon, lulutang kung sino ang gumaganap sa tungkulin at kung sino ang dapat managot.
Malalaman dito kung sino ang tutulog-tulog sa isang bagay na hindi naman dapat pinatatagal—ang pagpapatupad ng malinaw na mandato ng Saligang Batas. Dito rin makikita kung sino ang matitibag kapag hindi na puwedeng magpalusot at kailangan nang kumilos.
Hindi na lamang ito usapin ng pulitika. Usapin ito ng tungkuling itinakda mismo ng Konstitusyon. Sa loob ng 39 na taon, nanatiling walang batas na malinaw na nagpapatupad sa probisyon laban sa political dynasties.
Ngayon, malinaw ang mensahe ng Korte Suprema: kailangang tuparin ng Kongreso ang mandato ng 1987 Constitution.
Ito na rin ang tamang resbak sa mga nagpaparinig na maaari nilang tanggalin sa posisyon ang mga Mahistrado. Maaari nilang gamitin ang kapangyarihang ipinagkaloob sa kanila ng batas, ngunit kailangang may malinaw na dahilan at matibay na ebidensya. Hindi sapat ang pagbabanta o pagpaparinig.
Nawili yata ang ilan sa ginawa nila kina dating Chief Justices Renato Corona at Maria Lourdes Sereno. Kaya ngayon, tila nakasilip ng butas ang mga Mahistrado ng Supreme Court bilang pambawi, matapos nilang maramdaman na binu-bully sila. Hindi dapat gawing laruan ang kapangyarihan ng bawat sangay ng gobyerno.
Hindi nga naman dapat manatiling nakasulat lamang sa Konstitusyon ang isang prinsipyo na naghihintay ng batas upang maisakatuparan.
Ang usapin ngayon ay hindi na kung kailangan bang kumilos ang Kongreso, kundi kung kailan nito tutuparin ang tungkuling matagal nang hinihintay ng sambayanan.
At dito malalaman kung sino ang may paninindigan at sino ang maghahanap ng butas upang makaiwas sa obligasyong malinaw na nakasaad sa Saligang Batas.
Ito ang nakapananabik na yugto: hanggang saan ang tibay ng mga matitikas na nilalang na sanay humarap sa laban? Sa pagkakataong ito, hindi sapat ang lakas ng loob. Kailangan ding may paninindigan at pagkilos.
Dahil kapag dumating ang oras ng pagsusulit, walang lihim na hindi nabubunyag.






