MANILA, Philippines – Walang pagbaba sa bilang ng mga voter registrants matapos ang anunsyo ng paglagda sa batas na naglalayong palawigin ang termino ng mga halal ng opisyal ng barangay at Sangguniang Kabataan (BSK), sinabi ni Comelec Chairman George Garcia kaugnay sa epekto sa pagpapaliban ng BSKE.
Una nang inanunsyo ni Garcia na lalagdaan ng Pangulo sa Agosto 12, 2025 ang batas na nagpapaliban sa BSKE na orihinal na nakatakda sa Disyembre 1, 2025.
Sa kabila nito, sinabi ni Garcia na ang voter registration period na nakatakda ng Agosto 1 hanggang Agosto 10 ay magpapatuloy.
Bukod dito, naobserbahan din ni Garcia na marami ang nagpaparehistro sa Special Register Anywere program (SRAP) ng Comelec nang bumisita ito sa Light Rail Transit 2 Recto Station, Manila City Jail at Jose Reyes Memorial Medical Center nitong Lunes.
Bago nito, ibinahagi ni Garcia na nagtungo rin siya sa SRAP sites sa University of the East, Baclaran, SMX Convention Center at maging sa Mabalacat, Pampanga.
Sinabi ni Garcia na higit-kumulang 73% ng voter registrants ang bagong registered voters.
Hinikayat din niya ang mga kabataan na magparehistro bilang mga botante para magkaroon sila ng representasyon sa BSKE. Jocelyn Tabangcura-Domenden