MANILA, Philippines – Walang iniulat na Filipino na sugatan sa pagguho ng gusali sa central Jeddah nitong Biyernes, Mayo 31 ayon sa Department of Migrant Workers (DMW), sa pamamagitan ng Migrant Workers’ Office nito sa Jeddah, Saudi Arabia (MWO-Jeddah).
Iniulat ng MWO-Jeddah kay Migrant Workers Secretary Hans Leo J. Cacdac na binisita nila ang pinangyarihan ng insidente at ilang kalapit na hospital upang malaman kung mayroong dinalang Filipino para magamot.
Sa local media reports, iniulat na walong katao ang sinagip mula sa gumuhong israktura.
Tiniyak ng MWO-Jeddah na patuloy nilang susubaybayan ang sitwasyon at lagi silang makikipag-ugnayan sa Jeddah police, medical at emergency services agencies upang masiguro na ligtas ang mga Filipino.
Magbibigay ng update ang MWO-Jeddah sa DMW Central Office kung kinakailangan. Jocelyn Tabangcura-Domenden