MANILA, Philippines — Wala pang natatanggap na ulat ang Philippine Embassy sa Bangkok na may Pilipinong nanunuluyan sa mga temporary shelter sa gitna ng malawakang pagbaha sa Thailand, ayon kay Philippine Ambassador Millicent Cruz Paredes.
Sinabi ni Paredes na mahigit 200 temporary shelters ang binuksan ng mga awtoridad para sa mga residenteng naapektuhan ng pagbaha, ngunit sa kanilang pakikipag-ugnayan sa mga opisyal at Filipino community leaders, wala pa silang natukoy na Pilipinong lumikas sa mga ito.
May ilang Pilipino naman na humingi ng tulong sa embahada para sa pagkain at tubig matapos mahirapang makabili ng pangunahing pangangailangan dahil sa panic buying at pag-iimbak ng suplay sa ilang lugar.
“So ang nakukuha naming hiling ng tulong ngayon ay tungkol sa pagkain at saka sa tubig. So iyan ang ipro-provide natin,” ani Paredes.
Karamihan umano sa mga Pilipinong naapektuhan ay nananatili sa kanilang mga tahanan, kabilang ang mga nakatira sa condominium buildings, bagaman naging mahirap ang paglabas sa ilang lugar dahil sa baha sa mga kalsada.
Patuloy ang koordinasyon ng embahada sa Filipino community at Thai authorities upang matukoy ang mga nangangailangan ng tulong.
Umabot sa mahigit 545,000 katao sa 25 lalawigan ang naapektuhan ng pagbaha sa Thailand batay sa datos ng Thai government noong Setyembre 27, kabilang ang mga lugar sa Bangkok at mga kalapit na lalawigan.
Pinayuhan naman ng Philippine Embassy ang mga Pilipino sa Thailand na patuloy na bantayan ang weather advisories at sumunod sa mga tagubilin ng lokal na awtoridad, at makipag-ugnayan agad sa embahada kung nangangailangan ng tulong. Dave Medina