BULACAN — Patay ang isang 7-anyos na Grade 2 pupil habang sugatan ang kanyang stepfather matapos mabangga at masagasaan ng closed van ang kanilang sinasakyang motorsiklo sa Marcos Highway sa Guiguinto, Bulacan.
Batay sa kuha ng CCTV, tumatawid sa kalsada ang motorsiklo nang banggain ito ng van at makaladkad nang ilang metro ang mga sakay. Dalawang beses umanong nasagasaan ang bata bago tuluyang huminto ang sasakyan.
Nagtamo naman ng mga sugat sa binti ang kanyang stepfather.
Ayon sa rider, sinundo niya ang bata mula sa paaralan at pauwi na sila nang mangyari ang insidente. Sinabi niyang huminto muna siya at nagbigay ng senyas bago lumiko patungo sa kabilang direksiyon ngunit dumiretso umano ang van at nabangga sila.
Sinabi naman ng pulisya na ayon sa 68-anyos na driver ng van, mahina umano ang preno ng sasakyan at nakatakda na itong ipaayos.
Nahaharap ang driver sa mga kasong reckless imprudence resulting in homicide, physical injuries at damage to property. Pinayagan siyang makapagpiyansa noong Lunes.
Sinabi ng pamilya ng biktima na itutuloy nila ang kaso laban sa driver. Mary Anne Sapico