Home OPINION WALANG REGULAR, WELL MILLED RICE

WALANG REGULAR, WELL MILLED RICE

ANOMANG araw, magkakahalaga na lang ang mga bigas ng P41 at P45 kada kilo.

Ito’y sa ilalim ng isang kautusan mula sa Malakanyang na nag-uutos ukol dito at magiging epektibo kaagad paglabas na paglabas ng kautusan sa Official Gazette o diaryong pangkalahatan o general circulation gaya ng Remate tabloid.

P41 ang para sa regular milled at P45 naman para sa well milled.

Karaniwang nagmumukhang maputi lahat ang mga well miled samantalang may mga brown na buo o bahagi ng isang butil ang mga regular milled.

Mas maganda ang kanin mula sa well milled dahil napapasok ito nang buo ng tubig habang may halong hilaw ang kanin mula sa regular milled.

May problema nga lang sa aktuwal na pagtitinda ng bigas sa mga palengke.

Posibleng sabihin ng mga nagtitinda na wala silang regular milled at well milled at ang nakatatak sa kanilang karatula ay denorado, jasmine, premium, pandan, long grain, brown rice, violet rice, Cagayan rice, Nueva Ecija rice at iba pa na nagkakahalaga ng P50-P60 kada kilo.

At sasabihin ng mga rice trader at retailer na wala silang regular milled at well milled.

Paano ngayon ‘yan, kayo riyan sa Department of Trade and Industry at Department of Agriculture?

Mapupwersa ba ninyo silang magbenta ng P41 at P45 kada kilo sa ganyang mga uri ng bigas?

Sa mga retailer nga lang na kumukuha mula sa National Food Authority ng itinitindang bigas, sa 10 kaban, dalawa lang ang presyong NFA rice at ang walo, tinatatakan ng mga pangalan gaya ng nabanggit natin sa itaas.

Malaking hamon sa DTI at DA ang mga problema sa presyuhan at mapanlinlang na pag-uuri-uri sa mga bigas.

Pero higit na mas malaking hamon sa parte ng mga mamimili dahil karaniwang inosente sila sa kalokohan sa presyuhan at kalidad ng mga bigas.