Walang hospital arrest o espesyal na trato kay dating Negros Oriental congressman Arnolfo “Arnie” Teves Jr. matapos siyang ma-discharge mula sa Philippine General Hospital, ayon sa Department of Interior and Local Government.
Ayon kay DILG Secretary Jonvic Remulla, maayos na ang kalagayan ni Teves para sa pagkakakulong at ituturing siya gaya ng ibang persons deprived of liberty (PDL).
Giit pa ni Remulla na walang special treatment na ibibigay kay Teves.
Samantala, ibinalik na sa kustodiya ng BJMP Annex 2 sa Camp Bagong Diwa si dating kongresista Arnolfo “Arnie” Teves Jr. noong Martes ng gabi matapos ma-discharge mula sa Philippine General Hospital, ayon sa kanyang abogado.
Matapos sumailalim sa appendectomy noong Hunyo 18, nakararanas pa rin si Teves ng katamtamang pananakit ng tiyan at hihiling ng follow-up checkup mula sa mga doktor ng PGH makalipas ang isang linggo.
Si Teves ay sinasabing utak sa pagpatay kay Governor Roel Degamo at siyam pang iba noong Marso 2023.
Nahaharap siya sa mga kasong murder, frustrated murder, attempted murder, at illegal possession of firearms and explosives.
Itinanggi ni Teves ang mga paratang at tumangging magpasok ng plea, kaya’t not guilty ang ipinasok ng korte.
Inurong sa Hulyo 14 ang kanyang arraignment.
Kasama rin siya sa mga isinampang kaso kaugnay ng mga pagpatay noong 2019 at itinuturing na terorista ng Anti-Terrorism Council.