
MANILA, Philippines – Sinimulan ng Bureau of Immigration (BI) ang pagpapatupad ng isang taong visa-free entry para sa mga may hawak ng Taiwanese passport mula Hulyo 1, 2025 hanggang Hunyo 30, 2026.
Alinsunod ito sa utos ni Pangulong Marcos Jr. upang pasiglahin ang turismo at palakasin ang ugnayang diplomatiko, bilang tugon sa visa-free privilege ng Taiwan para sa mga Pilipino.
Pinapayagan ang mga Taiwanese na manatili nang visa-free hanggang 14 na araw na hindi pwedeng pahabain o palitan.
Tiniyak ni BI Commissioner Joel Anthony Viado ang pagsunod sa mga tamang proseso para sa maayos na pagdating ng mga turista.
Layunin ng patakarang ito na mapataas ang bilang ng mga Taiwanese turista at suportahan ang lokal na ekonomiya. Noong 2024, naitala ng BI ang 235,674 na pagdating ng Taiwanese. RNT