MANILA, Philippines – Nanawagan ang Teachers’ Dignity Coalition (TDC) sa Department of Education (DepEd) na imbestigahan ang mga ulat na ipinagbibili ang mga posisyon sa pagtuturo at administratibo sa pampublikong paaralan kapalit ng pera.
Binigyang-diin ni TDC National Chairperson Benjo Basas na ang mga trabahong pampamahalaan ay dapat makuha sa pamamagitan ng merito, hindi pagbili, at tinawag ang umano’y “item-for-sale” scheme bilang banta sa katarungan at patas na sistema sa edukasyon.
Bagamat tinanggap nila ang matibay na paninindigan ni DepEd Secretary Sonny Angara laban sa korapsyon, hinikayat ni Basas ang DepEd na magsagawa ng agarang imbestigasyon kahit walang pormal na reklamo upang muling mabuo ang tiwala at pananagutan.
Binanggit din niya ang patuloy na takot ng mga guro na hadlang sa pag-uulat.
Nangako ang TDC na ipagpapatuloy ang pagsusulong ng hiring system na nakabatay sa merito at makikipagtulungan sa DepEd para labanan ang korapsyon. Santi Celario