MANILA, Philippines – Walang nakaumang na pagtaas ng sahod sa mga manggagawa sa ngayon sa gitna ng nararanasang krisis sa Gitnang Silangan.
Sa Kapihan sa Manila Hotel, sinabi ni DOLE Undersecretary Benedicto Bitonio na may mga rehiyon na nagtaas ng umento ngunit ito ay hindi kaugnay sa krisis dahil naaprubahan na ito bago pa man ang krisis sa Gitnang Silangan.
Sa kabila nito, binigyang-diin ni Bitonio na posibleng tinatalakay na ito ng Regional Tripartite Wage and Productivity Board.
Nilinaw din niya na walang mangyayaring wage hike sa May 1 o Labor Day.
Pero posible rin aniyang ikonsidera ang nararanasang krisis ngayon para sa umento sa sahod ngunit ito ay pag-aaralan pa.
Ayon sa kalihim, ang mga rehiyon na inaprubahan ang pagtaas ng sahod bago pa man sumiklab ang krisis sa Gitnang Silangan na nakaapekto rin sa mga manggagawa ay mula sa anim na rehiyon.
Kabilang rito ang Region III, IV-A, V, X, XI, at CARAGA. Jocelyn Tabangcura-Domenden