MANILA, Philippines- Isang lalaki na wanted sa murder ang nadakip ng Quezon City Police District (QCPD) nitong Martes, 30 taon matapos umanong gawin ang krimen.
Base sa mga pulis, naganap ang krimen noong 1993 sa Sta. Ana, Manila, kung saan nakipagtalo umano ang suspek, 52-anyos na sa kasalukuyan, sa biktima na nagresulta sa pagbaril umano rito ng suspek.
Nagtago umano ang suspek sa Biliran, Leyte, at kalaunan ay lumipat sa Barangay Kaligayahan, Quezon City kung saan siya kasalukuyang naninirahan.
“Nagtago po siya sa may Biliran, Leyte and nung later years nandito lang siya sa Barangay Kaligayahan dito sa Quezon City. Nagpalit lang po siya ng mga alias na ginagamit,” pahayag ni Pasong Putik Police station commander Police Lt. Col. Francis Siriban.
Ayon sa mga pulis, ipinalabas ang warrant of arrest para sa suspek noong 1998. Siya ay ikalawa sa listahan ng most wanted persons sa QCPD Station 16.
Itinaggi naman ng suspek ang mga akusasyon laban sa kanya subalit umaming nagtago.
“Hindi po talaga ako ang gumawa nun, katunayan po nadawit lang ako, nadamay lang po ako, kaya nga po, hindi ako makapagtrabaho nang maayos dahil may ganon sabi nila may kaso raw po,” wika niya,
Anang mga awtoridad, naiwasan ng suspek na mahuli sa pamamagitan ng pagpapalit ng mga alyas sa loob ng maraming taon.
Kasalukuyang nasa ilalim ng kustodiya ng QCPD ang suspek at nagihintay ng commitment order mula sa korte. RNT/SA