SULTAN KUDARAT, Philippines – Naaresto ng intelligence agents ng Philippine National Police (PNP) ang isang lalaking wanted kaugnay ng bombing sa isang public transportation terminal sa Sultan Kudarat matapos salakayin ang kanyang safehouse sa Lambayong noong Agosto 21.
Kinilala ang suspek na si Joher Sapalon, alyas “Tarzan,” na sinubukang tumakas at makipagbarilan sa mga pulis. Naabutan siya matapos tamaan sa binti at isinugod ng mga arresting officer sa ospital para magamot.
Pinuri ni PNP chief Gen. Jose Melencio C. Nartatez Jr. ang mga pulis dahil nasunod umano nila ang tamang police operational procedure kahit nagkaroon ng barilan.
Kasama si Sapalon sa national-level most wanted list dahil sa umano’y pagkakasangkot sa pambobomba sa Isulan Integrated Public Terminal noong Abril 17, 2023. Tatlong menor de edad at hindi bababa sa apat pang tao ang nasugatan sa insidente.
Bukod sa mga kasong may kaugnayan sa terorismo, nahaharap din si Sapalon sa dalawang kaso ng murder. Kabilang dito ang pagkamatay ng isang 60-anyos na barangay security officer noong Hulyo 17, 2021, at isa pang barangay tanod noong Abril 7, 2021, parehong sa Lambayong, Sultan Kudarat.
“The operation against wanted persons is not only about justice and the rule of law, it is also about giving the Filipino people the assurance that our justice system works and those who would violate the law will be held accountable,” saad ni Nartatez.
Nakumpiska kay Sapalon ang isang 9mm pistol, isang magazine na may tatlong bala, at tatlong basyo ng bala.
Ayon kay Nartatez, bahagi ang operasyon ng patuloy na kampanya ng PNP upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan at mapanagot ang mga lumalabag sa batas.
“This operation is a commitment to the Filipino people in maintaining peace and order and ensuring the rule of law, as well as a strong message to criminal elements of the PNP’s aggressive campaign against them,” aniya. RNT/MDS