SWAK sa selda ang isang wanted na construction worker na may kasong rape matapos madakip sa naganap na manhunt operation sa Malabon City, napaulat kagabi.
Batay sa report na nakalap mula sa tanggapan ni Northern Police District (NPD) Acting Director P/Col. Josefino Ligan, kinilala ni Malabon police chief P/Col. Jay Baybayan ang narestong akusado na si alyas “Jun-Jun”, 26, ng Brgy. Longos na nakatala bilang top 5 most wanted person sa NCRPO at No. 2 TMWP naman sa NPD.
Ayon kay Col. Cayaban, nakatangap sila ng impormasyon na naispatan ang presensya ng akusado sa kanilang lugar kaya inatasan niya ang mga tauhan ng Warrant and Subpoena Section (WSS) na bumuo ng team para tugisin si ‘Jun-Jun’.
Katuwang ang mga tauhan ng NPD-DSOU, agad nagsagawa ang WSS ng Malabon police ng joint manhunt operation na nagresulta sa pagkakaaresto sa akusado dakong ala-1:30 ng hapon sa Hiwas St., Brgy. Longos.
Ang akusado na nakatala naman bilang No. 3 top MWP sa Malabon ay binitbit ng pulisya sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Presiding Judge Catherine Therese M. Tagle-Savador ng RTC Branch 73, Malabon City para sa kasong Rape na may petsang October 28, 2024.
Pansamantalang nakapiit ang akusado sa custodial facility unit ng Malabon police habang hinihintay ang pagpapalabas ng commitment order mula sa hukuman. (Merly Duero)