MAGUINDANAO DEL SUR, Philippines — Inaresto ng pinagsanib na puwersa ng pulis at militar ang isang wanted na lalaki na iniuugnay sa 2015 Mamasapano massacre at sa ambush na ikinasawi ng limang pulis sa Maguindanao del Sur nitong taon.
Kinilala ang suspek na si Muslimin Amilil, 45, na ayon sa pulisya ay umano’y bomb maker ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) at Dawlah Islamiya (DI). Hindi umano siya nanlaban nang arestuhin sa kanyang pinagtataguan sa Barangay Tukanalipao, Mamasapano.
Ayon sa pulisya, si Amilil ay dating estudyante umano ng mga napatay na teroristang sina Marwan at Basit Usman, at nagsilbi ring senior adviser ng Panenekelan Criminal Gang na iniuugnay sa pag-ambush sa mga pulis sa Shariff Aguak noong Marso.
May mga warrant of arrest si Amilil para sa mga kasong murder, frustrated murder, robbery, attempted murder at double murder.
Samantala, naaresto rin ang kanyang asawa na si Aiza Awab Amilil sa Shariff Saydona Mustapha. Nasamsam sa kanilang bahay ang limang assault rifle, mga improvised bomb, at mga bala.
Kasalukuyang nakakulong si Muslimin Amilil sa Mamasapano Police Station, habang nasa kustodiya naman ng Shariff Saydona Mustapha Police Station ang kanyang asawa. RNT/MDS