Home NATIONWIDE Warning systems sa bagyo, ipinaaayos ni PBBM sa DOST

Warning systems sa bagyo, ipinaaayos ni PBBM sa DOST

MANILA, Philippines – INATASAN ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., araw ng Lunes ang Department of Science and Technology (DOST) na paghusayin ang warning systems para sa publiko sa tuwing tumatama sa bansa ang natural calamity.

”Una, inaatasan ko ang DOST na pagbutihin ang kanilang warning system upang makapagbigay ng napapanahong babala sa mga panganib na dulot ng mga bagyo,” ang sinabi Pangulong Marcos sa kanyang naging pagbisita sa Talisay, Batangas.

Nakaranas kasi ng matinding hagupit ang Barangay Sampaloc mula sa Severe Tropical Storm Kristine ilang linggo na ang nakalilipas.

Inatasan din ng Chief Executive ang DOST na makipagtulungan sa Department of the Interior and Local Government upang tiyakin ang epektibong paraan ng komunikasyon kapag mayroong tropical cyclone upang magarantiya ang kaligtasan ng mga residente.

Inatasan din nito ang National Disaster Risk Reduction and Management Council na rebisahing mabuti at pag-aralan ang kanilang disaster response measures upang siguraduhin na ang agarang tulong ay maibibigay sa mga apektadong residente.

ipinag-utos din ng Punong Ehekutibo sa Department of Public Works and Highways na tiyakin na ang mga lansangan at tulay ay may slope protection design upang sa gayon ay maging akma sa pagbabago ng klima.

Idineklara naman ni Pangulong Marcos ang November 4, 2024 bilang Day of National Mourning para sa mga biktima ng malakas na pagbuhos ng ulan at malakas na hangin na dala ng bagyong Kristine.

inulit naman ni Pangulong Marcos ang kanyang pakikidalamhati para sa mga apektado ng bagyong Kristine.

“Nais ko pong ipaabot ang aming taos-pusong pakikiramay sa bawat Pilipinong naapektuhan ng Bagyong Kristine,” ang sinabi ni Pangulong Marcos.

Samantala, makikita naman sa data ng gobyerno na ang death toll ay nananatili sa 146, may 126 naman ang nananatiling ‘for validation.’ Kris Jose