MANILA, Philippines- Balik-normal na ang lebel ng tubig sa La Mesa Dam sa Quezon City nitong Huwebes matapos itong sumampa sa spilling level sa gitna ng pag-ulang dulot ng Habagat na pinalakas ni Bagyong Carina.
Makikita sa datos mula sa PAGASA na bumaba na ang water level ng La Mesa dam sa 80.13 metro hanggang nitong alas-8 ng umaga, bahagyang mas mababa sa normal high water level nitong 80.15 metro.
“Ito ‘yung ang overflow kahapon hanggang gabi, pero actually mababa na rin po siya. Ang kanya pong present elevation is 80.13… So, it means hindi na po siya nag ooverflow,” pahayag ni PAGASA hydrologist Elmer Caringal sa isang panayam.
Pumalo ang lebel ng tubig sa La Mesa Dam hanggang 80.17 metro noong Miyerkules ng gabi.
Samantala, inihayag ni Caringal na ipinagbigay-alam ng Binga Dam, nagsara kahapon, sa PAGASA na posible itong magpakawala ng tubig ngayong Huwebes ng hapon.
Batay sa datos, ang lebel ng tubig sa Binga ay 573.88 metro, mas mababa sa normal high nitong 575 metro.
“Ang Binga Dam kasi po diretso po siya ng San Roque [dam], which is ‘yung San Roque Dam po is mababa. Mababa pa po siya ng halos 49.71 meters doon sa normal high niyang 280 [meters],” ani Caringal.
Base pa sa opisyal, binabantayan ng PAGASA ang Angat.
Ang water level nito ay kasalukuyang 182.20 metro, malayo pa sa normal high water level nitong 210 metro.
Ayon kay Caringal, bukas pa rin ang Ipo dam sa water level nitong 101.13 metro, bahagyang mas mababa sa normal high water level nitong 101 metro.
Samantala, ang Magad Dam naman ay nasa 176.33 metro. Ang normal high water level nito ay 190 metro.
Nauna nang inulat na nakalabas na si Carina ng Philippine Area of Responsibility. Subalit, sinabi ng PAGASA na patuloy nitong palalakasin ang southwest monsoon na magdadala ng moderate to intense rains sa kanlurang bahagi ng Luzon. RNT/SA