Home METRO Wattah! Wattah! San Juan, matagumpay na idinaos

Wattah! Wattah! San Juan, matagumpay na idinaos

3
0

MANILA, Philippines — Pinangunahan ni San Juan City Mayor Francis Zamora ang pagdiriwang ng Wattah! Wattah! San Juan Festival 2026 sa Hunyo 23 at 24, tampok ang mga street dance, cultural dance at festival queen competitions, gayundin ang tradisyunal na basaan na bahagi ng pista ni San Juan Bautista.

May temang “Wattah! Wattah! 2026: Basbas ng Kasarinlan, Bendisyon ng Kapayapaan,” sisimulan ang pagdiriwang sa Hunyo 23 sa pamamagitan ng parada, street dance competition, festival queen showdown at cultural dance performances mula sa 10 barangay ng lungsod.

(c) Danny Querubin

Magkakaloob ang lungsod ng cash prizes na aabot sa P400,000 para sa kampeon sa Cultural Dance Competition, habang may P100,000 naman para sa Best in Parade Street Dancing at P20,000 para sa Festival Queen 2026.

Ngayong Hunyo 24, nagpatuloy ang selebrasyon sa pamamagitan ng Santong Tao Float Competition, Watt-ah! Barangay Booth Contest at Wattah! Wattah! Basaan Concert.

Isinagawa rin ang parada ng mga karosang naglalarawan sa buhay ni San Juan Bautista matapos ang misa sa Archdiocesan Shrine of St. John the Baptist.

Kasunod nito ang tradisyunal na basaan sa mga pangunahing kalsada ng lungsod, kung saan inaasahang makikilahok ang mga residente, bisita at mga opisyal ng lungsod sa pangunguna ni Mayor Zamora.

Tatakbo rin ang isang street party at concert na pangungunahan ng singer na si Maki, kasama sina DJ Blue, DJ Patrick Cruz, BDICT, Eric V at DJ Chelsea. Magho-host naman si Love Radio personality Nicole Hyala.

Upang matiyak ang kaayusan at kaligtasan ng publiko, isasara ang Pinaglabanan Street sa Hunyo 23 mula alas-3 ng hapon hanggang alas-7 ng gabi. Sa Hunyo 24, isasara rin ang Pinaglabanan Street at mga karatig na kalsada sa loob ng itinalagang Basaan Zone mula alas-7 ng umaga hanggang alas-2 ng hapon.

Pinaalalahanan ng pamahalaang lungsod ang publiko na ang basaan ay pinapayagan lamang sa loob ng Basaan Zone sa itinakdang oras. Ang sinumang lalabag ay maaaring pagmultahin ng P5,000 at/o makulong ng hanggang 10 araw.

Ipinagbabawal din ang paggamit ng maruming tubig, water bombs, plastik, bote, yelo at iba pang mapanganib na bagay, gayundin ang pananakot, pananakit, sapilitang pagbubukas ng sasakyan at iba pang mapanganib na gawain.

Magpapatupad din ng liquor ban mula 12:01 a.m. hanggang 2 p.m. ng Hunyo 24. Ang mga establisimyentong lalabag sa pagbabawal sa pagbebenta at pagseserbisyo ng alak ay pagmumultahin ng P5,000.

Samantala, ang mga menor de edad na mahuhuling lumalabag sa mga patakaran ng pagdiriwang ay dadalhin sa City Social Welfare and Development Office alinsunod sa umiiral na ordinansa ng lungsod. Ang kanilang mga magulang o legal guardian ay maaaring pagmultahin ng P5,000.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here