Home OPINION WE ARE ONE SAAN PATUNGO?

WE ARE ONE SAAN PATUNGO?

2
0

HANGGANG sa oras na tinitipa ito, marami ang hindi makatantiya kung saan patungo ang We Are One rally na pinangungunahan ng Iglesia ni Cristo na nilalahukan na ng ibang mga grupong pulitikal, panlipunan at panrelihiyon.

Ito’y karugtong ng pagtataka rin mismo umano ng Malakanyang kung bakit nagdaos ng rally ang INC na hindi man lang kumuha ng permiso at walang malinaw na dahilan para rito sa Edsa People Power Monument sa kahabaang ng Edsa na minsang pinagdausan ng makasaysayang pag-aalsang Edsa People Power noong 1986.

Isa pa, sa halip na mabuwag ang rally makaraang hindi magbigay ng persmiso ang Quezon City local government, nagpapatuloy ito.

Ngayo’t lumipat na ang We Are One rally sa Liwasang Bonificio na isang freedom park at hindi ngangailangan ng permiso mula sa lokal na pamahalaan ni Mayor Isko Moreno.

HINDI KAY MARCOLETA LAMANG

Para sa iba, pangprotekta lang umano kay Senador Dante Marcoleta ang rally para hindi siya makulong sa kasong plunder na isasampa ng Office of the Ombudsman sa Sandiganbayan.

Isang paraan na rin umano ang pagpapakulong sa kanya para mabawasan ang isang senador na magtatanggol kay Vice President Sara Duterte sa paglilitis sa kasong impeachment nito sa Hulyo 6, 2026 at ilang araw na lamang mula ngayon.

Bagaman maaaring may katotohanan dito, higit dito ang usapin at masasabing rally na ito ng sambayanan.

Mismong nanggagaling sa bibig ng senador ang pinakalaking dahilan kahit ikakukulong pa niya ito.

Kabilang sa mga dahilan ang seryosong laban sa matinding korapsyon sa kasalukuyang pamahalaan na nagsasadlak na sa mala-impiyernong kalagayan ng higit na nakararami sa bayang Pinoy.

Halimbawa, dahil sa P1.7 trilyong korapsyon sa flood control projects, halimbawa, walang katapusang nahaharap sa panganib sa buhay at ari-araian sa mga baha at landslide ang maraming mamamayan sa tag-ulan, tag-bagyo, tag-landslide at tag-baha.

Kasama na rin ang nakaaawang kalagayan ng taon-taong halos 30 milyong mag-aaral na labis na kulang ng silid-aralan sa kabila ng bilyon-bilyong pondo sa pagtatayo ng mga ito.

Nitong 2024 lamang, 67 silid-aralan lang ang naitayo sa kabila ng P15 bilyong inilaan para rito dahil sa korapsyon.

Bumabagsak din ang ekonomiya ng buong bansa dahil sa korapsyon at bunga nitong kawalan ng tiwala na maglagak ng puhunan ang mga negosyanteng lokal at dayuhan na ikinaliligwak ng hanapbuhay ng mahigit 60 milyong obrero, kasama ang mga mangingisda at magsasaka.

Ang masakit pa, pinipigilan ng pamahalaan ang pagsusumikap ni Marcoleta at iba pang mga mambabatas na nagsusulong ng mga imbestigasyon at kaso laban sa mga pinakakorap na opisyal ng pamahalaan na nagiging ugat na ng paghihirap at kawalan ng kinabukasan ng sambayanan.

KUNG MAGTATAGAL ANG RALLY

Isa ngayong malaking katanungan kung gayon ang ibubunga ng We Are One Rally kung magtutuloy-tuloy ito sa mga susunod na araw.

Lalo na kung pipigilin ito sa iba’t ibang paraan gaya ng ginawa sa Edsa na dahilan ng paglipat ng rally sa Maynila.

Sana nga, hindi pagsimulan ito ng mga maniobra na ikisisira sa kalayaan ng pamamahayag, paghahanap ng katotohanan at katarungan laban sa korapsyon at ikapananatili naman sa poder ng mga korap.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here