Home HOME BANNER STORY ‘Wet weekend’ ibinabala ng PAGASA sa epekto ni ‘Bising’

‘Wet weekend’ ibinabala ng PAGASA sa epekto ni ‘Bising’

MANILA, Philippines – Inaasahang lalabas ng Philippine area of responsibility (PAR) sa loob ng 12 oras ang Tropical Depression “Bising” na namataan dakong 3 a.m. sa layong 480 kilometro kanluran ng Basco, Batanes, taglay ang lakas ng hangin na 75 kph at bugso na 90 kph.

Bagama’t palabas na ng bansa, pinalalakas ni Bising ang habagat na magdudulot ng pag-ulan sa malaking bahagi ng Luzon, kabilang ang Mindoro, Marinduque, Romblon, Palawan, at Antique ngayong weekend.

Magdadala naman ng maulap na panahon na may kalat-kalat na pag-ulan at pagkidlat-pagkulog sa Batanes at Babuyan Islands ang buntot ng Bagyong Bising.

Posible rin itong lumakas bilang tropical storm sa hilagang-silangan ng Taiwan, ngunit maliit ang tsansang bumalik ito sa bansa, ayon sa ahensiya.

Nagbabala rin ang Pagasa sa malalakas na hangin sa hilagang Luzon at sa magaspang na karagatan sa mga baybaying-dagat ng Babuyan Islands, Ilocos Norte, La Union, Pangasinan, at Batanes.

Pinapayuhan ang mga mangingisda at maliliit na bangkang pandagat na huwag pumalaot, lalo na kung kulang sa karanasan o kagamitan. RNT