MANILA, Philippines – Muling nanawagan ang pamilya ni Mary Jane Veloso at mga grupong simbahan at sibiko para sa kanyang clemency, at hinimok si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na palayain na siya bilang biktima ng human trafficking. “Parang awa niyo na,” pakiusap ng kanyang ama, si Cesar, sa isang press conference.
Naaresto si Veloso sa Indonesia noong 2010 at nahatulan ng kamatayan dahil sa 2.6 kilong heroin na natagpuan sa kanyang bag. Naantala ang kanyang bitay noong 2015 matapos mahuli ang kanyang mga recruiter. Sa kanyang pagbabalik sa Pilipinas noong Disyembre 2024, diretso siya sa kulungan.
Tanong ng ina ni Mary Jane, si Celia: “Bakit ‘yung ibang pinalaya ng Indonesia nakauwi na, pero siya ikinulong ulit?” Giit niya, “Matagal na siyang nagdusa. Ano pa ang kailangan niyang pagbayaran?”
Ayon kay Atty. Josa Deinla, hinihintay pa nila ang pahintulot ng Korte Suprema para idaos ang pagdinig sa loob ng Correctional Institution for Women upang makapagbigay si Mary Jane ng personal na salaysay.
Umaasa ang Migrante International na ilalabas ang clemency bago ang SONA ng Pangulo, lalo’t patuloy ang paglala ng human trafficking. Pagkatapos ng preskon, iniharap ng pamilya at mga tagasuporta ang kanilang mga petisyon sa Malacañang. RNT