Home HOME BANNER STORY Greta nagsalita na sa pagkadawit sa ‘missing sabungeros’

Greta nagsalita na sa pagkadawit sa ‘missing sabungeros’

MANILA, Philippines – Mariing itinanggi ni Gretchen Barretto ang pagkakadawit sa kaso ng mga nawawalang sabungero, matapos siyang pangalanan bilang isa sa mga suspek ng lumantad na whistleblower.

Ayon sa kanyang abogado na si Atty. Alma Mallonga, wala umanong kinalaman si Barretto sa insidente at ang mga akusasyon ay “imbento lamang.”

Itinuro ni whistleblower Julie “Totoy” Patidongan sina Barretto at negosyanteng si Atong Ang, at sinabing pumayag umano si Barretto sa isang pagpupulong na “aksiyunan” ang mga nandarayang sabungero.

Giit ng kampo ni Barretto, isa lang siya sa 20 investor ng e-sabong at hindi kailanman dumalo sa anumang desisyong may kaugnayan sa insidente.

Dagdag ni Mallonga, batay sa salaysay mismo ni Patidongan, walang direktang nakita o narinig si Barretto na nag-uugnay sa krimen. “Espekulasyon lang ito, at ang espekulasyon ay hindi ebidensya,” aniya.

“Ms. Barretto awaits the result of the investigation and will fully cooperate in the process. This is her priority. In the meantime, she beseeches the authorities to be fair and thorough, and for the public not to rush to judgment,” ayon pa sa abogado.

“In the end, Ms. Barretto trusts that an objective investigation will prove her lack of involvement in the case and the unfairness and falsity of the accusations against her,” dagdag pa niya.

Ibinunyag din ng kampo ni Barretto na nakatanggap siya at si Ang ng banta ng paninira at tangkang pangingikil.

Wala pa umanong subpoena mula sa DOJ, ngunit handa si Barretto na makipagtulungan sa imbestigasyon. RNT