MANILA, Philippines – Inalis na ng Department of Agriculture (DA) ang ban sa pag-angkat ng mga ibon at produktong manok mula Brazil, matapos ideklara ng mga awtoridad na kontrolado na ang bird flu outbreak doon.
Ayon kay DA Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., nilagdaan niya ang Memorandum Order No. 35 kasunod ng ulat ng Brazil sa World Organisation for Animal Health na wala nang bagong kaso mula Hunyo 18. Natukoy rin ng DA na “negligible” o halos walang panganib ng kontaminasyon mula sa mga produktong manok ng Brazil.
Ang ban ay ipinataw noong Mayo 19 at sumaklaw sa karne ng manok, itlog, sisiw, at semilya. Epektibo agad ang kautusan.
Ang muling pag-angkat sa Brazil ay bahagi ng utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na palawakin ang pinanggagalingan ng pagkain at palakasin ang seguridad sa pagkain ng bansa. Santi Celario