Home NATIONWIDE ‘Gang P2M payola, natatanggap ng ilang parak kay Atong Ang – whistleblower

‘Gang P2M payola, natatanggap ng ilang parak kay Atong Ang – whistleblower

MANILA, Philippines – Isiniwalat ng whistleblower Julie “Dondon” Patidongan na may ilang pulis umano na tumatanggap ng hanggang ₱2 milyong payola kada buwan mula kay negosyanteng Atong Ang bilang bahagi ng umano’y pagdukot at pagpatay sa mga nawawalang sabungero.

Sa isang ulat, sinabi ni Patidongan—dating security chief sa mga sabungan ni Ang—na siya ang tagapagdala ng mga utos ni Ang sa mga uniformed personnel.

Isinuko niya sa mga awtoridad ang mga petty cash voucher, kabilang ang isang dokumentong nagpapakitang ₱2.6 milyon ang natanggap ng isang unit ng pulis.

“‘Intel’ lang ang label, pero iyon na pala ang bayad sa pagpatay. May isang colonel, tumatanggap ng ₱2 milyon buwan-buwan,” ani Patidongan.

Giit niya, mananatili siyang tapat sa kanyang salaysay hanggang sa paglilitis. Dati na niyang inakusahan si Ang at tatlo pang iba na nasa likod ng mahigit 100 kaso ng pagdukot at pagpatay mula 2021 hanggang 2022. Sinabi rin niyang alam ni Gretchen Barretto ang mga nangyari.

Mariin nang itinanggi nina Ang at Barretto ang mga paratang. RNT