MANILA, Philippines- Nanatiling public health emergency ang Mpox outbreak, sinabi ng World Health Organization (WHO) nitong Lunes.
Kasabay nito, naglabas ng isang binagong hanay ng mga pansamantalang rekomendasyon ang director-general ng WHO.
Unang idineklara ng WHO ang emerhensiya noong Agosto 2024, nang ang outbreak sa bagong uri ng mpox ay kumalat at matinding tinamaan ng sakit ang Democratic Republic of Congo at karatig-bansa.
Ang public health emergency ng international concern ay ang pinakamataas na uri ng alerto ng WHO.
Ayon sa WHO, ang mpox ay isang viral na sakit at naikakalat mula tao sa tao sa pamamagitan ng close contact sa taong mayroong mpox kabilang ang miyembro ng pamilya.
Kabilang dito ang skin-to-skin (touching o sex) at mouth-to-mouth o mouth-to-skin contact (tulad ng kissing), at maaari ring isama ang pakikipag-usap sa isang taong may sakit (tulad ng pakikipag-usap o paghinga nang malapit sa isa’t isa, na maaaring makabuo ng mga nakahahawang respiratory particle).
Ayon sa WHO, ang mga taong may maraming sexual partners ay nasa mas mataas na panganib na magkaroon ng mpox.
Maaari ring mahawa ng mpox ang isang tao mula sa kontaminadong bagay tulad ng mga damit, sa pamamagitan ng karayom sa mga health care o sa community settings tulad ng tattoo parlors. Jocelyn Tabangcura-Domenden