Home OPINION ‘WHOM THE GODS WISH TO DESTROY…’

‘WHOM THE GODS WISH TO DESTROY…’

110
0

KAY Euripides, ng ‘Ancient Greece,’ ibinibigay ang kredito sa kasabihan na, ‘Whom the Gods wish to destroy, they made mad first,’ kasabihan na sa ganang atin, ay ‘sakto sa nangyari dito sa mag-asawang Sarah at Curlee Discaya at mga katulad nilang mga mandarayang mga kontraktor at mga kasabwat nilang mga mandrambong na politiko at mga korap na opisyal at kawani ng Department of Public Works and Highways.

Sa malayang salin sa ating wika, ganito ang sinabi Euripides: “Ginagawang lasing (sa kapangyarihan at kayamanan) ng Panginoon ang sino man bago Niya husgahan.”

Dagdag pa nga ng alamat na Rakista na si Mike Hanopol, ‘Oh kayabangan lang ang iyong nalalaman,’ kayabangan na sumambulat ngayon sa kanilang mga pagmumukha, aguy!

Ang tanong naman ng mga miron, “nasaan” ba ang problema, sa pagkatao at karakter ba o… sa ating umiiral na sistema?

Ang sagot syempre, sa ating sistema, sa ating kapitalistang sistema na ang pangunahing layunin ay hindi kung ano ang makabubuti sa nakararami bagkus, kung paano kikita ng malaki, kung paano personal na aasenso, kasehodang mapahamak ang kapakanan ng iba.

Translation? Nakabatay ang ating sistema at mga pilosopiyang kumakatawan dito sa “panggugulang” o panlalamang sa ating kapwa. At kasehoda pa rin na labag ito sa mga turo ng ano mang relihiyon, tama ba, mga kabayan?

Sabagay nga rin, sadyang walang kabusugan ang mga taong ganid at sakim.

Mantakin ba naman na matapos magkamal ng bilyon piso itong si Discaya sa mga maanomalya nilang kontrata sa gobyerno, naghangad naman ng kapangyarihan sa ginawang pagtakbo bilang mayor ng Pasig City kung saan “nangamote” lang siya kay Mayor Vico Sotto.

At yung pagyayabang at pagbuyangyang nila ng kanilang luho at yaman, syempre pa ay bahagi ng kanilang istratehiya sa politika. Kumbaga, ang “mensahe” nila sa mga taga-Pasig, asahan na hindi nila nanakawin ang kaban ng lungsod dahil matagal na silang nagnak…, ayy, mayaman pala hehehe!

Sa kanilang kahambugan, hindi nila naisip ‘yung tinatawag na’ blowback’ o “resbak” ng kanilang mga ginawa na mga “ebidensya” pa ngayon laban sa kanila.

At alam na natin ngayon ang naging ultimo resulta, mga kabayan: Hindi lang sila “luhaan” noong halalan, patuloy silang luluha ngayon na halos lahat ng ahensiya ng gobyerno ay “hinihimay” ang kanilang pagkatao at negosyo, habang nakabantay ang publiko.

Sa ginagawa naman na mga imbestigasyon sa mga anomalya sa mga ‘flood control projects,’ harinawang seryoso nga ang mga ito.

Sa totoo lang kasi, “manipis” na ang pasensiya at pagtitimpi ng mga Pinoy, lalo pa nga at nakikita nila na ilan sa mga “imbestigador,” katulad sa Kongreso, ay may “mantsa” rin ng korapsyon, pang-aabuso at katiwalian.

Harinawang napansin nila ang nangyayaring kaguluhan ngayon sa Indonesia.

Aber, hindi lang basta kilos-protest, bagkus, “riot” na mismo ang nangyayari kung saan sinusugod, sinusunog at winawasak ang mga sasakyan at mansyon ng mga politiko doon.

Napuno ang salop ng pagtitimpi at “kinalos” na ng mga Indonesian ang kanilang mga mambabatas matapos magpasa ng batas na ITINATAAS ang kanilang mga sweldo at iba pang pribilehiyo.

Aber, sa dami nga rin naman ng pasanin ng mga taga Indonesia katulad ng problema sa kahirapan at kawalan ng trabaho, mas inatupag pa ng kanilang mga mambabatas ang kanilang mga sarili, sino ang matutuwa?

Kaya nga harinawang may maging magandang resulta ang mga imbestigasyon ngayon.

Wala naman sigurong may gusto sa gobyerno na bukod sa salitang “RESIGN!” ang isigaw ng taumbayan eh, “REBOLUSYON, NGAYON NA!”

Abangan!

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here