Home OPINION KILOS PROTESTA NGA BA ANG TAMANG SOLUSYON?

KILOS PROTESTA NGA BA ANG TAMANG SOLUSYON?

306
0

NAKATUON PANSIN ngayon ang mundo sa nagaganap na kaguluhan sa Indonesia na nagsimula noon pang nakaraang linggo, Agosto 25, bunga nang pagbibigay ng buwanang housing allowance na 50 milyong rupia sa 580 miyembro ng parlyamento, maliban pa sa kanilang sweldo.

Noon pang nakaraang taon ipinagkaloob ang allowance ng mga miyembro ng parlyamento na 10 beses na mas mataas sa minimum wage sa kapitolyo ng bansa at 20 beses mas mataas sa mahihirap na rehiyon na nadatnan na ng administrasyon ni Pangulong Prabowo Subianto, ang bagong upong pangulo.

Pero dahil sa paglobo ng inflation at pagmahal ng mga pangunahing bilihin sa bansa, nasilip ng maraming mamamayan ang nagaganap na katiwalian sa pamahalaan kaya’t nagsimula silang magsagawa ng mga kilos-protesta na una ay sa Jakarta na kapitolyo ng bansa hanggang lumawak na sa iba’t-ibang rehiyon.

Lalo pang naging marahas ang protesters nang mangyari ang pagkamatay ng isang ride-hailing driver na nabangga ng police armored vehicle sa gitna ng protesta na nagdulot ng matinding galit sa publiko.

Nilusob pa nga nila ang regional parliament sa Makassar, South Sulawesi na dahilan ng pagkasawi ng lima katao na pinaniniwalaang na-trap umano sa sunog, pinasok ang mansyon ng ilang miyembro ng parliament at winasak ang mamahaling sasakyan, at tinangay ang ibang kasangkapan.

Naalala ko tuloy ang napanood ko sa isang dokumentaryo noong maganap ang people power revolution kung saan nilusob at pinagnakawan ng mga nagpoprotesta ang loob ng Malacanang Palace.

Hindi lang sa panahon ng martial law nangyari ang madugong kilos-protesta kundi kahit maging kina Pangulong Cory Aquino, Fidel Ramos, Erap Estrada at Gloria Macapagal-Arroyo.

Unti-unting lumiliit na ang bilang mga mga kabataang nagsasagawa ng protesta, hindi tulad noon na halos araw-araw ay may mga kabataang nagmartsa sa kalsada at sumisigaw ng kung ano-anong pananalita laban sa pamahalaan. Lumiit na kasi ang bilang ng mga estudyanteng hindi kuntento sa gobyerno sapagkat may libreng edukasyon ang pamahalaan.

Sa Maynila, dalawa pa ang kolehiyo na hindi lang libre ang matrikula kundi may allowance pa ang mga estudyante. Siyempre kung ikaw ay estudyante, hindi ka na sisigaw sa kalsada na “Ibaba ang matrikula!” dahil wala ka namang matrikulang binabayaran.

Huwag namang maka-impluwensiya sa mga kakaunting bilang ng mga kabataan ngayon na nagsasagawa ng kilos-protesta sa kainitan ng katiwalian hinggil sa flood control project ang nagaganap na kaguluhan sa Indonesia. Tutal naman, gumagawa ng hakbang ang gobyerno upang masawata at mapanagot ang mga nasa likod ng ghost at substandard projects.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here