Home NATIONWIDE Wilfredo Gonzales nag-sorry sa pag-atake sa siklista sa viral road rage incident

Wilfredo Gonzales nag-sorry sa pag-atake sa siklista sa viral road rage incident

MANILA, Philippines- Inamin ni dating police officer Wilfredo “Willie” Gonzales na intake at tinutukan niya ng baril ang siklistang si Allan Bandiola sa isang road altercation sa Quezon City, at sinabing pinagsisisihan niya ang kanyang nagawa.

“Humihingi po ako ng tawad sa sa parte pong ‘yun — sa pambabatok ko, sa pagbunot at pagkasa ko [ng baril]. Humihingi po ako ng tawad sa lahat, hindi lang [kay Allan Bandiola], kundi lahat po sa inyo. Kasalanan ko po ‘yun, nabigla po ako,” ani Gonzales sa public hearing na isinagawa ng Senate committee on public order and dangerous drugs nitong Martes.

Ayon kay Gonzales, dinipensahan lamang niya ang kanyang sarili sa nang maganap ang pagtatalo, gayong kagagaling pa lamang umano niya sa opera.

“Galing ako sa spine operation. So sa isip ko [ay ‘yung]  element na i-shock ko manlang siya [para hindi niya] ako masugod. Kasi kung madadakma niya ako baka mapatay niya ako, mahina ako e. Bagong opera po ako eh,” paliwanag ni Gonzales.

Sinabi pa ng 63-anyos na si Gonzales na umamba si Bandiola na aatakihin siya, dahilan upang bunutin niya ang kanyang baril.

“Normal reaction ko lang po ‘yun kasi binatukan niya ako [kaya] bumaba ako ng bike,” depensa naman ni Bandiola.

Nilinaw naman ni Bandiola na nagkaayos na sila ni Gonzales.

“Wala pong pumilit sa akin. Nakipag areglo po ako dahil ayaw ko ng gulo,” giit ni Bandiola. RNT/SA