KUMUSTA na? Safe at healthy ka ba? Kung ikaw ay manggagawa, paano mo ito sasagutin? Para sa iba, madali lang naman, di ba? Pero teka muna, hindi ibig sabihin na kapag walang aksidente o nararamdamang sakit ang isang empleyado ay okay na siya.
Ang kalagayan ng occupational safety and health sa Pilipinas ay isang napakahalagang isyu. May direkta kasi itong impact sa ekonomiya base sa dami ng kompanya at mga manggagawa sa iba’t ibang sektor. Bagama’t may mga positibong pagbabago sa polisiya at implementasyon ang pamahalaan, kapansin-pansin pa rin ang mga hamon sa pagpapatupad at pagsunod sa mga pamantayan.
Sa statistics, mula Enero hanggang Hulyo 2025, umabot sa 217 workplace accidents ang naitala, na nagresulta sa 153 pagkamatay at 255 na nasugatan, halos katumbas ng isang pagkamatay kada araw. Samantala, sa Central Visayas lamang, may mahigit 100 aksidente noong 2024, kung saan halos 46% ay mula sa construction sector, isa sa mga itinuturing na high-risk industry. Ipinapakita nito na nananatiling mapanganib ang ilang sektor tulad ng konstruksyon, pagmimina, at agrikultura.
Sa mas malawak na pananaw, may indikasyon naman ng pagbaba ng occupational injuries at diseases sa paglipas ng panahon matapos ipatupad ang Republic Act 11058 o ang Occupational Safety and Health Law noong 2018. Gayunpaman, ang pinakakaraniwang kaso ay nananatiling mga sugat (56.47%) at work-related musculoskeletal diseases (61.82%), na nagpapakita ng kakulangan sa ergonomics at workplace safety measures.
Isa pang hamon ay ang maling perception ng ilang employer o nagpatatrabaho. May ilang kompanya pa rin na tinitingnan ang OSH bilang dagdag gastos kaysa mahalagang puhunan, habang kulang din sa bilang ng trained safety officers at pasilidad sa iba’t ibang rehiyon. Dagdag pa rito ang mga nasa informal sector na hindi sapat ang proteksyon.
Sabi ng iilan, enforcement daw ang isa sa mga problema. Sagot ko naman,” hindi ba dapat may pagkukusa sa compliance ang kompanya dahil sa dulo ay sila ang may pananagutan?”
Bagama’t may mga batas at programang umiiral tulad ng labor department order 252-25 o revised implementing rules and regulations ng OSH law, malinaw na kailangan pa ng mas mahigpit na implementasyon, mas malawak na edukasyon, at mas inklusibong polisiya upang matiyak ang kaligtasan at kalusugan ng bawat manggagawang Pilipino.






