MANILA, Philippines – Hindi kailangang mangamba ang mga manggagawang Pilipino sa agarang pagkawala ng trabaho dahil sa artificial intelligence (AI), ayon sa ulat ng World Bank.
Mas mababa kasi ang epekto ng AI sa mga developing countries tulad ng Pilipinas kumpara sa mga mayayamang bansa.
Ayon sa mga mananaliksik na sina Gabriel Demombynes, Jörg Langbein, at Michael Weber, mas limitado ang epekto ng AI sa labor market ng mga bansang mababa ang kita dahil mas maraming trabaho rito ang nangangailangan ng manual labor at interpersonal interaction—mga gawaing hindi madaling mapalitan ng AI.
Dagdag pa nila, ang kakulangan sa kuryente at internet sa ilang bansa ay isa pang dahilan kung bakit mas mababa ang exposure sa AI.
Bagaman may mga trabahong maaaring maapektuhan, nilinaw ng World Bank na hindi ito nangangahulugan ng agarang pagpapalit ng tao sa trabaho. Sa halip, maaaring palakasin ng AI ang produktibidad ng mga manggagawa sa pamamagitan ng “augmentation” o pagpapahusay ng kanilang kakayahan.
Upang mapaghandaan ang hinaharap ng AI sa Pilipinas, hinimok ng mga eksperto ang gobyerno na palawakin ang access sa internet at kuryente, pagtuunan ang AI augmentation sa halip na automation, at gamitin ang AI upang mapabuti ang serbisyong panlipunan tulad ng edukasyon at kalusugan.
Ayon sa World Bank, unti-unti at hindi biglaan ang magiging epekto ng AI sa mga developing countries, kaya may pagkakataon ang gobyerno at mga negosyo na magamit ito upang palakasin ang lakas-paggawa sa halip na palitan ito. RNT