Home NATIONWIDE Writs of amparo, habeas data inilabas pabor sa 2 nawawalang aktibista

Writs of amparo, habeas data inilabas pabor sa 2 nawawalang aktibista

MANILA, Philippines- Nagpalabas ang Supreme Court (SC) writ of Amparo at writ habeas data para sa dalawang nawawalang aktibista na sina Gene Roz Jamil “Bazoo” de Jesus at Dexter Capuyan na dinukot umano ng mga nagpakilalang pulis noong April 28, 2023.

Sa resolusyon ng SC, inaprubahan din nito ang kahilingan na Temporary Protection Order (TPO) para sa pamilya nina De Jesus at Capuyan.

Ikinatuwa naman ng panig ng mga nawawalang aktibista ang resolusyon ng Mataas na Hukuman dahil mahalagang hakbang anila ito sa kanilang legal battle para lumabas ang katotohanan, makakuha ng hustisya at sa kalaunan ay makita na sina Capuyan at De Jesus.

Batay sa writ of Amparo, inaatasan ang respondents na Philippine National Police (PNP), Armed Forces of the Philippines (AFP), Criminal Investigation and Detection Group at sina Lorraine Badoy at Jeffrey Celiz na panumpaan ang lahat ng impormasyon na isusumite kaugnay sa pagkawala nina Capuyan at De Jesus.

Salig naman sa TPO, ipinagbabawal ang mga respondents na lumapit sa pamilya Capuyan at De Jesus sa loob ng isang kilometro.

Samantala, ang kaso ng pagdukot laban sa dalawa ay nakatakdang isalang sa Court of Appeals.

Una nang itinanggi ng PNP at AFP na nasa kustodiya nito ang dalawang aktibista na huling nakita sa Taytay, Rizal. Teresa Tavares