MANILA, Philippines- Inanunsyo ng Malacañang nitong Lunes ang caretakers ng bansa kapag tumulak si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa United Arab Emirates para sa working visit.
Ayon kay Presidential Communications Office Acting Secretary Cesar Chavez, sina Executive Secretary Lucas Bersamin, Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, at Agrarian Reform Secretary Conrado Estrella III ang magiging bahagi ng caretaker committee.
Bago ito, si Vice President Sara Duterte ang designated caretaker tuwing si Marcos ay nasa official trips sa ibang bansa.
Sa UAE, makikipagkita si Marcos sa kanyang counterpart na si His Highness Sheikh Mohamed bin Zayed Al Nahyan, sa Abu Dhabi sa Martes.
Nauna nang sinabi ni Philippine Ambassador to the UAE Ambassador Alfonso A. Ver na ang pagbisita “marks a significant and symbolic milestone in the history of our relations, as we celebrate the 50th anniversary of formal diplomatic relations between the Philippines and the UAE.”
Samantala, sinabi ng Palasyo na umaasa itong makabubuo ng kasunduan sa pagbisita ni Marcos sa UAE. RNT/SA